Kakasuhan ng AFP o Armed Forces of the Philippines si Mae Paner alyas Juana Change kasunod ng pagsusuot niya ng uniporme ng sundalo nang lumahok ito sa kilos protesta kasabay ng SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, pambabastos ang ginawa ni Paner dahil hindi naman siya miyembro ng hukbong sandatahan o kahit ng Reservists Corps.
Sa ngayon, inihahanda na ng militar ang kasong paglabag sa Unauthorized Use of Uniforms at Prohibition of Use of Insignias, Decorations, Badges and Patches Prescribed for the AFP laban kay Paner.
Sa kanyang Facebook post, idinepensa ni Paner ang pagsusuot ng military uniform sa pagsasabing bahagi ito ng performance art.
Sagot naman ng militar, malisyoso ang intensyon ni Paner sa pagsusuot ng uniporme ng Sundalo at dapat nitong basahin ang batas tungkol dito para maintindihan ang ginawa niyang paglabag.
- Meann Tanbio | Story from Jonathan Andal