Ganap nang sinimulan ng Simbahang Katolika ang banal na yubileo ng awa o Holy Jubilee of Mercy.
Pinangunahan ni Pope Francis ang pagbubukas ng Porta Santa o Holy Door sa St. Peter’s Basilica na karaniwang binubuksan lamang tuwing 25 taon.
Ayon sa Tradisyon, makatatanggap ng plenarya indulhensya o ganap na kapatawaran sa lahat ng mga nagawang kasalanan ang sinumang mananampalatayang daraan sa nasabing pintuan.
Basta’t masunod lamang ang ilang alituntunin tulad ng pangungumpisal, pagtanggap ng komunyon at pagkakawang-gawa.
Sa kaniyang sermon, binigyang diin ng Santo Papa na kailangang tularan ng tao ang Diyos na mas inuuna ang awa bago ang panghuhusga.
Kaya naman, magiging epektibo na rin ang direktiba ni Pope Francis sa mga pari na bigyang absolusyon sa kumpisal ang mga babaeng sangkot sa aborsyon gayundin ang pagbibigay komunyon sa mga mag-asawang naghiwalay.
Layunin nito ayon sa Santo Papa na ipadama ang awa ng Diyos sa tao gaano man kabigat ang nagawa nitong pagkakasala.
Pilipinas
Pangungunahan naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagbubukas ng Jubilee of Mercy ngayong araw.
Tulad sa Vatican, bubuksan din ng kardinal ang holy door sa Manila Cathedral na susundan naman ng isang banal na misa.
Alas-3:00 mamayang hapon, magtitipun-tipon muna ang mga mananampalataya sa Ayuntamiento Building sa panulukan ng Andres Soriano at Cabildo at magsasagawa ng prusisyon patungong katedral.
Bukod sa Maynila, inaasahang magsasagawa ng kaparehong seremoniya ang mga katedral sa lahat ng diocese sa buong bansa.
By Jaymark Dagala