Nagulantang ang social media community sa kontrobersyal na post ng aktres na si Julia Barreto sa kanyang Instagram account.
Ito’y kaugnay pa rin sa pinag-uusapang hiwalayan ng aktor na si Gerald Anderson at aktres na si Bea Alonzo kung saan isinasangkot si Julia.
Sa instagram post ni Julia Barreto, binasag nito ang kanyang katahimikan sa pamamagitan ng mga larawan at mga mensahe na patungkol kay Bea.
Inamin ng aktres sa kanyang post na lubha siyang naapektuhan sa kanyang mga natatanggap na kritisismo at masasakit na salita, hindi lamang sa kanya, kundi pati sa kanyang pamilya, matapos siyang iturong dahilan o ‘third wheel’ sa hiwalayang Gerald at Bea.
Paglilinaw ni Julia, hindi siya nag-cheat sa kanyang ex-boyfriend na si Joshua Garcia at nilinaw na rin naman aniya ni Gerald na hindi third party ang dahilan ng break up nila ni Bea.
Mensahe pa ng aktres kay Bea, dapat aniya ay ginamit na lamang niya ang kanyang impluwensiya bilang hinahangaang aktres sa pag-promote ng ‘strength’ at ‘grace’ sa mga kababaihan sa halip na pagmulan ito ng kontrobersiya.
Dagdag pa nito, ngayon aniya ay hindi na siya paaapekto sa mga panghuhusga at opinyon ng ibang tao patungkol sa kanya.