Inaasahang sasagutin na sa susunod na linggo ni Julian Ongpin ang inilabas na subpoena ng National Bureau of Investigation kaugnay sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson.
Ang subpoena ay pormal na tinanggap ni Ongpin, anak ng negosyanteng si Roberto Ongpin, sa Baguio City.
Ayon kay NBI Director Eric Distor, pagkakataon na ng nakababatang Ongpin na ilahad ang kanyang panig hinggil sa naganap sa San Juan, La Union noong isang buwan.
Setyembre 22 nang matagpuang patay si Jonson sa isang kwarto bagaman hindi pa malinaw kung ano ang tunay na sanhi, itinuturo namang suspek ang bente nwebe anyos na anak ng bilyonaryo.
Samantala, sinimulan na rin ng NBI Ang pag-analyze sa body fluids at kuko na kinuha mula sa trenta anyos na pintor. — Sa panulat ni Drew Nacino