Mayroon na lamang hanggang ika-19 ng Hulyo ang mga motorcycle drivers upang maglagay ng kinakailangang barriers o harang para sa pinayagan nang pag-aangkas o back-riding kasama ang kanilang mga asawa o live-in partners.
Ito ay makaraang itakda ng Joint Task Force COVID Shield ng Philippine National Police (PNP) ang deadline para sa naturang hakbang sa gitna na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Task Force chief Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, maaaring pumili ang mga riders mula sa mga shield prototypes na gawa ng Bohol Provincial government o mula sa ride-hailing app na Angkas.
Magpapatuloy din aniya sila sa pagmomonitor at pagbibigay babala sa mga lalabag sa naturang pangangailangan para sa pag-aangkas.
Dagdag pa ni Eleazar, matagal nang hinihiling ng mga motorista na payagan na ang pag-angkas kahit sa mga mag-asawa o maglive-in partners lamang, kaya’t ngayon aniyang pinayagan na ito ay huwag itong abusuhin.