Asahan ang mas exciting na laro mamayang gabi sa pagitan ng defending champion na San Miguel Beer at Alaska Aces sa Game 7 ng PBA Philippine Cup finals.
Sa panayam ng DWIZ kay MVP June Mar Fajardo, tiniyak nitong nasa 100 porsyento ang kanyang kondisyon para pangunahan ang Beermen na masungkit ang ikalawang sunod na kampeonato.
Sinabi ni Fajardo na makakaasa aniya ang kanilang fans na kanila nang ibibigay ang lahat at wala nang ititira pa sa laban mamayang gabi kontra Aces.
Matapos makabangon sa tatlong sunod na pagkatalo sa kamay ng Aces at nagawa pang maitabla sa 3-3 ang serye, napatunayan ng Beermen na walang imposible.
Ayon kay Fajardo ito ay dahil sa naniwala aniya sila sa kakayahan ng bawat isa.
Malaki rin aniyang bagay ang binigay na ispirasyon at gabay sa kanila ni Coach Leo Austria upang makabawi sa mga naunang pagkatalo.
Ang huling salpukan sa pagitan ng San Miguel at Alaska ay gaganapin mamayang alas-7:00 ng gabi sa Mall of Asia Arena.
LISTEN: Panayam ng DWIZ kay San Miguel Beermen Center June Mar Fajardo
By Ralph Obina
*Photo Credit: PBA/ inquirer.net