Nilinaw ng Comelec o Commission on Elections na maaari pa rin namang tumakbong muli bilang alkalde ng Makati City si dating Mayor Junjun Binay.
Ito’y ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez ay sa kabila na rin ng nakasampang kaso laban sa batang Binay sa Ombudsman kaugnay ng maanomalyang pagtatayo ng Makati City building 2.
Magugunitang mainit ang iringan sa pagitan ng dating alkalde sa kapatid nitong si incumbent mayor Abigail Binay para sa pinakamataas na posisyon sa tinaguriang central business district ng bansa.
Sa panayam ng DWIZ kay Jimenez, sinabi nito na tanging ang mga kaso ng mayroon lamang pinal na desisyon ang maaaring sagutin ng poll body kung papayagang tumakbo o hindi ang isang kandidatong may kinahaharap na kaso.
Sen. Nancy Binay, umaasang maaayos ang gusot sa pagitan ng kanyang mga kapatid
Samantala, umaasa si Senadora Nancy Binay na maisasaayos din ang gusot sa pagitan ng kanyang mga kapatid na sina incumbent Makati City Mayor Abby Binay at dating Mayor Junjun Binay.
Iyan ang inihayag sa DWIZ ng senadora sa harap na rin ng umiinit na bangayan ng kanyang mga kapatid para sa posisyon ng pagka-alkalde ng Makati City na tinaguriang central business district ng Pilipinas.
Nakatakdang magpulong ngayong araw ang pamilya Binay matapos magbalik bansa ang kanilang haligi na si dating Vice President Jejomar Binay.
Wala pa kasi ang mga magulang namin, siguro its worth one more try subukan naming one last chance para ayusin ang nagbabadyang problema, ang posisyon ko ay gusto ko munang mag-meeting kami bilang isang pamilya para pagu-sapan at hanapan ng solusyon ang problema.
Dagdag pa ng Senadora, sakaling walang magbigay o magparaya sa isa’t isa, umaasa din siyang mananatili pa rin silang isang pamilya pagkatapos ng halalan.