Tinapos na ng Arbitration Tribunal sa The Hague ang jurisdiction hearing sa kasong inihain ng Pilipinas laban sa China sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Maayos na nasagot ng delegado ng Pilipinas ang mga tanong ng limang miyembro ng Tribunal at tinapos ito sa pamamagitan ng closing statement mula sa Solicitor General.
Humiling pa ang Arbitral Tribunal na mag-sumite ang delegasyon ng written statement sa Hulyo 23 para mas maipaliwanag pa ang kanilang tugon sa mga ibinatong tanong ng mga miyembro ng Tribunal.
Dalawang beses na gumulong ang arbitration hearing kung saan humarap ang delegasyon ng Pilipinas sa Tribunal upang igiit ang hurisdiksyon nito sa inihaing arbitration case.
Nanatili namang sarado ang China sa ginagawang pagdinig.
Positibong tugon
Kumpiyansa ang Pilipinas na magiging positibo ang tugon ng Arbitral Tribunal sa usapin ng jurisdiction case nito sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pagtatapos ng dalawang round ng oral argument sa hurisdiksyon ng isinampang arbitration case ng Pilipinas.
Ayon kay DOJ Secretary Leila de Lima, impressive umano ang ginawang argumento ng delegasyon ng Pilipinas na kumumbinsi sa Arbitral Court na tanggapin ang kaso nito laban sa China.
Sakaling lumabas ang potibong tugon sa jurisdiction case ay posibleng diretso na ang pagdinig ng korte sa merit ng naturang kaso.
Sinabi naman ni de Lima, kahit na hindi kinilala ng China ang naturang pagdinig ay nananatiling bukas ang arbitration court sa panig nito.
By Rianne Briones