China lamang ang siyang dapat na bawalan na magsagawa ng eksplorasyon sa Philippine Rise o mas kilala bilang Benham Rise.
Ito ang naging posisyon ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kasunod ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapatigil sa lahat ng foreign scientific research sa Continental Shelf.
Ayon kay Carpio, ito ay dahil sa pagmamatigas ng China na kilalanin ang naging ruling ng International Court of Arbitration na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa pagmamay-ari sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag naman ni Carpio na ang tuluyang pagbabawal sa mga foreign research sa Benham Rise ay magiging paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Ang naturang pagpapatigil sa mga dayuhang ekspedisyon sa Benham Rise ay makakasira sa kampanya ng gobyerno na pagkilala sa pagmamay-ari nito sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Pagpapatigil sa lahat ng foreign scientific research sa WPS ‘squid tactics’ lang
Itinuring na ‘squid tactics’ ni Akbayan Representative Tomas Villarin ang bagong kautusan ng Pangulo na palayasin ang lahat ng mga dayuhang nagsasagawa ng scientific research sa Philippine Rise.
Ayon kay Villarin, ginagawa ito ng administrasyon upang mabaling ang atensyon ng publiko sa hindi pagkilos ng gobyerno laban sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Samantala, welcome naman kay bayan muna Representative Carlos Isagani Zarate ang naging desisyon ng Pangulo ngunit hinikayat na ipa-surrender sa China ang naging findings nito at nakuhang data upang hindi magamit sa panibagong militarisasyon.
Matatandaang pinayagan ng Department of Foreign Affairs o DFA ang isang buwang scientific research ng China sa Benham Rise noong Enero.