Itinanggi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kanilang ginigipit ang kampo ng pinatalsik na Punong Mahistrado ng Korte Suprema na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang iginiit ni Guevarra matapos paratangan ni Sereno dahil sa pagpapa-subpoena ng DOJ sa dalawang niyang staff na sina atty. Maria Lourdes Oliveros at Atty. Michael Ocampo.
Paglilinaw ni Guevarra, ginagawa lamang ng mga DOJ public prosecutors ang kanilang trabaho na magsagawa ng imbestigasyon laban kina Oliveros at Ocampo na kapwa ipinagharap sa kasong katiwalian ni Atty. Larry Gadon.
Kasama na aniya rito ang pagpapalabas ng subpoena at pagpapatawag sa mga ito.
Iginiit pa ni Guevarra, hindi niya papayagang magamit ang DOJ sa anumang layuning pulitikal habang nasa ilalim ito ng kanyang pamumuno.
Magugunitang, nag-ugat ang kasong isinampa ni Gadon sa dalawang staff ni Sereno sa umano’y maanomalyang pagkuha kay Supreme Court Information Technology consultant Elen Macasaet na hindi dumaan sa public bidding.