Nakahandang humarap sa House Committee on Justice si Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro.
Sa kanyang liham sa komite na binasa ni Committee Chairman, Congressman Rey Umali, sinabi ni De Castro na kailangan pa niyang humingi ng clearance sa Supreme Court En Banc.
Maliban kay De Castro, inimbitahan rin ng komite sina Supreme Court Spokesman Theodore Te, Court Administrator Midas Marquez at dating Associate Justice Arturo Brion.
Matatandaan na batay sa testimonya ni Atty. Larry Gadon, ang nagsampa ng impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, si De Castro ang makapagpapatunay na nameke si Sereno ng draft temporary restraining order.
Inamin ni Gadon na wala siyang personal na kaalaman sa alegasyon at sinabi lamang ito sa kanya ni Manila Times Reporter Jomar Canlas na pinagsabihan naman di umano ni De Castro.
Samantala, idinepensa naman ni Umali ang pahayag niya sa media na posible nilang ipaaresto si Sereno sakaling hindi nito kilalanin ang subpoena na posibleng ipadala ng komite.
Sinabi ni Umali na hindi naman kategorikal at hypothetical lamang ang kanyang mga naging kasagutan sa katanungan ng media hinggil dito.
Dahil dito, nagpatawag ng executive session si Umali upang resolbahin ang isyu ng pagpapadala ng subpoena kay Sereno.
—-