Kinasuhan ng Office of the Ombudsman ng graft at technical malversation sa Sandiganbayan si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang pagbili ng high-powered firearms na nagkakahalaga ng 2.1 million pesos noong siya pa ay alkalde ng San Juan City.
Bukod kay Ejercito, kinasuhan din ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng San Juan, kabilang na si incumbent Vice Mayor Francisco Zamora.
Ayon sa OPS o Office of the Special Prosecutor ng Ombudsman, ang perang ginamit sa pagbili ng mga armas ay mula sa calamity fund ng city government, gayong wala namang deklarasyon ng state of calamity sa lugar noong mga panahong iyon.
Hindi rin umano ito sumailalim sa bidding at sa eksaminasyon ng supplier’s qualifications.
Dahil dito, inirekomenda ng OPS na magbayad ang bawat akusado ng P30,000 piyansa para sa graft charges at P6,000 bail bond para sa technical malversation.
By Meann Tanbio | Jill Resontoc (Patrol 7)