Pinabubusisi ng Makabayan Bloc sa Kamara ang estado ng implementasyon ng K to 12 Program.
Nakasaad sa House Resolution 1887 ang ibat ibang usaping iniulat ng mga guro at iba pang school personnel, magulang at mga estudyante kaugnay sa naturang programa.
Kabilang sa mga usaping ito ang kakulangan ng mga silid aralan at gamit sa paaralan na dahilan kayat ginagastusan ng personal ng mga guro, magulang at estudyante ang mga gamit na kailangan nila.
Ayon kay ACT Teachers Party List Representative France Castro isa sa mga may akda ng resolusyon nais nilang malaman kung ano na ang nangyari sa unang batch ng mga graduate ng K to 12 at kung saan pupunta ang mga ito gayung sinasabi ng Department of Education na tagumpay ang unang batch ng programa.
Nag aalala rin si Castro sa employability ng K to 12 graduates na kinukuwestyon dahil sinasabi ng employers na hindi pa handa o competent ang mga ito para mag trabaho.