Kinalampag ng Kabataan Partylist ang Senado na huwag sundan ang pagpasa ng Kamara sa pagbabalik ng mandatory ROTC at ilagay ito sa senior highschool.
Ayon kay Sarah Elago, kinatawan ng Kabataan Partylist, halatang minadali ang pagpasa ng panukala sa mababang kapulungan dahil hindi nabigyan ng kunsiderasyon ang mga naging isyu ng nakaraan na naging dahilan kayat ginawang optional na lamang ngayon ang ROTC.
Tinukoy ni Elago ang mga karahasan at pang aabusong kinasangkutan ng ilang opisyal ng ROTC.
“Kung babalikan natin yung kasaysayan, napaka marahas yung history kung bakit siya naging optional lang sa kolehiyo. Yung pagsisiwalat ng korapsyon ng estudyanteng si Mark Chua na pinatay ng kanyang mga kapwa ROTC officers at maski ngayon, yung dalawa doon sa lima ang nahatulan ng guilty doon sa kaso ni Mark Chua ang hindi pa nahuhuli so hangga’t hindi pa ito resolbado itong mga kasong ito at talagang cause of grief concerns, itong pagbabalik ng ROTC sa senior high.”
Naniniwala si Elago na dapat munang repasuhin ng pamahalaan ang implementasyon ng K-12 program o pagkakaroon ng senior highschool bago magdagdag ng aktibidad na tulad ng ROTC.
“Yung mga basic problems natin sa classrooms para sa senior high kasi majority parin sa senior highschool natin lalo na sa National Capital Region na hinahabol pa yung mga buildings para doon sa public senior highschools natin kaya talagang nababahala tayo na nagdadagdag na naman tayo ng problema.” – Pahayag ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago
(Ratsada Balita interview)