Nagulat ang mga kabataan sa Brgy. 329, Lope de Vega sa Maynila matapos ipagiba ng pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Department of Public Service (DPS) ang kanilang basketball court nang wala umanong koordinasyon sa kahit sinong opisyal ng barangay.
Napag-alaman na noong nakaraang Mayo 14, 2022 (Biyernes), nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng MTPB at DPS para kausapin ang mga ‘involve’ sa nasabing pa-liga ng brgy.
Ayon sa ilang tauhan ng nasabing liga, naging maayos naman ang kanilang naging usapan at hinikayat silang magtungo sa Cityhall ng araw ng Lunes (May 17) upang kausapin hinggil sa nakuha impormasyon ng pamahalaang lungsod na sinasabing ginagawang sugalan ang basketball court.
Subalit Mayo 15 (Sabado) agaran na lang umanong giniba ang Lope De Vega basketball court na walang nagawa maging ang mga opisyal ng barangay sa naging aksyon ng pamahalaang Moreno.
Nalulungkot ang may 2,000 kabataang manlalaro na may 108 teams na lumahok sa liga at pawang mga BBM supporters at lubhang naapektuhan ng pagwasak ng court at maging ang kanilang mga magulang.
Sinabi ng mga manlalaro na wala naman silang ibang hangad kundi magkaroon ng paglilibangan upang makaiwas sa iligal na droga o anumang masamang bisyo o sugal.
Anila, simula pa noong 2007 nagsimula nang magkaroon ng liga sa kanilang lugar at walang ganitong uri ng karahasang nangyari sa kanilang lugar.
At dahil na rin sa inilunsad na basketball program sa barangay naging ‘drug clear’ ang nasabing lugar.
Kasabay nito, kinokondena ng mga manlalaro ng Lope De Vega ang ganitong uri ng aksyon ng kasalukuyang administrasyon, na tahasang walang pagmamahal umano sa mga kabataang Manilenyo.
Sinabi pa ng mga kabataan na naging masakit para sa kanila ang pakakagiba sa kanilang basketball court lalo na ngayong nasa Alert level 1 na ang Maynila makalipas ang halos 2 taon nilang pagkakakulong sa loob ng bahay dahil sa nagdaan pandemya.
“Pinulitika kami ni Isko nang matalo sila sa aming barangay,” sigaw ng mga manlalaro ng Lope De Vega.