Kinilala ng Davao City government ang kabayanihan ng isa sa tatlongpo’t walong (38) nasawi sa sunog sa NCCC Mall.
Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio, mahigit walongpong (80) katao ang nailigtas ni Melvin Gaa, isa sa mga empleyado ng mall at bahagi ng disaster response team ng kumpanya.
Karamihan aniya sa mga iniligtas ni Gaa ay call center agent mula sa SSI na kanyang pinadaan sa ground floor.
Sa halip na bumaba at iligtas ang sarili ay bumalik pa sa ika – apat na palapag si Gaa para makapagligtas pa ng ibang empleyado ng SSI.
Ngunit sinawing palad na itong makaligtas sa lakas ng apoy at kapal ng usok sa loob ng nasusunog na mall.
Magugunitang batay sa salaysay ng ilang nakaligtas sa sunog, walang tumunog na fire alarm nang sumiklab ang apoy at hindi din umano gumana ang sprinklers ng gusali.
Tinitingnang sanhi ng sunog ang problema sa electrical connection sa ikatlong palapag ng mall.