Isang Pilipinong taxi driver ang itinuturing ngayon bilang bayani sa Estados Unidos matapos tulungan at itakbo sa ospital ang ilang mga biktima ng madugong pamamaril sa isang konsyerto sa Las Vegas.
Kinilala ang nasabing Pilipino na si Ginoong Wenifredo Maquindang, tubong Loboc, Bohol at 47-taon nang nagmamaneho ng taxi sa Estados Unidos.
Sa panayam ng DWIZ, ikinuwento ni Maquindang na nasa baba siya nang Mandalay Bay Resort matapos maghatid ng pasaherong nang mangyari ang pamamaril.
Ayon kay Maquindang noong una ay inakala lamang niyang fireworks ang narinig na mga putok pero kalaunan ay kanyang mapansin na nagkagulo na ang mga tao at nakita na rin niya ang mga lumilipad na bala sa lugar.
Hindi naman nag-alinlangan si Maquindang na tulungan ang mga sugatan kung saan umabot sa anim na biktima ang kanyang naitakbo sa ospital.
“Nung maraming bala ang lumalabas, ako lang sa lahat ng mga taxi driver ang naiwan, nawala lahat, tumulong ako sa mga injured at dinala ko sila sa ospital. Hindi ako natakot sa bala dahil alam kong nasa likod ko ang Panginoon. I was concerned about the people who got injured, so that’s what I did.” Ani Maquindang
“Akala ko fireworks nung una, kaya di ko pinapansin, pero sa dami sabi ko hindi na ito fireworks ah, ayun nagtakbuhan na lahat, maraming nadapa, maraming duguan, chaos talaga ang nangyari. Nakakatakot talaga. Hanggang ngayon hindi ako makatulog, na-traumatized din ako.”
“Nakapagdala ako ng anim na biktima na matinding nasugatan sa ospital, tumakbo ako ng 80 miles per hour sa street na para akong ambulance. Apat lang ang puwede pero isinakay natin yung anim para madala sila sa ospital, dalawa sa trunk, tatlo sa gitna at isa sa unahan, andami ring duo nung loob ng taxi ko.” Dagdag ni Maquindang
Matapos ang insidente, ilang mga residente sa Las Vegas ang tinatawag na siyang bayani at nakatakda na rin siyang makipagkita sa mayor ng Las Vegas at Philippine ambassador to the United States.
“Sinasabi dito na hero na ako, tinatanong ako ng media dito, do you accept that you’re a hero? Ang sagot ko naman: “I don’t know about that, I was just trying to help the injured people. Masaya sila sa akin, tinatawagan ako ng Philippine Embassy Ambassador, makikipagkita sa akin pati yung Mayor ng Las Vegas. ” Pahayag ni Ginoong Maquindang
Si Ginoong Wenifredo ay isang patunay na likas sa mga Pilipino ang pagiging matulungin sa oras ng pangangailangan.
Saludo po kami sa inyo!
(Ratsada Balita Interview)