Kinaawaan ng mga netizen online ang isang kabayo sa Calle Crisologo matapos itong tumumba habang inililibot ang mga sakay na pasahero sa kaniyang karwahe.
Kung bakit natumba ang kabayo? Alamin.
Sa isang video na kuha ni JM Castillo Tan, makikita ang isang kabayo sa karwahe na nakatumba sa daan habang may mga sakay na turista.
Pinagtulungan ng mga kutsero na itayo ang kabayo bago pinababa ang mga sakay nitong pasahero.
Sinabi ng kutsero ng natumbang kabayo na ang horse shoe o ang sapatos nito ang sanhi kung bakit ito nadulas at tuluyang tumumba sa Calle Crisologo sa Vigan City.
Dagdag pa niya, bago niya ilabas ang kabayo para bumiyahe ay sinisiguro niya na nasa kondisyon ito at maayos ang kalusugan.
Sinabi naman ng Vigan City Cultural Affairs and Tourism Office, ang insidente raw ay isang isolated case at bibihirang mangyari.
Nagbigay din sila ng kasiguraduhan na nabibigyang pansin ang mga pangangailangan ng mga kutsero at kabayo sa pamamagitan ng mga bitamina buwan-buwan.
Samantala, ligtas at wala namang nasaktan sa mga turista, pero ang ikinababahala ng mga netizen online ay ang kalagayan ng kabayo.
Marami ang nagpahayag ng pagtutol sa patuloy na paggamit ng mga kalesa dahil bagama’t maganda itong tingnan dahil alaala ito ng kasaysayan, nalalagay naman sa alanganin ang kalusugan ng mga kabayo.
Ikaw, tutol ka rin ba sa patuloy na paggamit ng mga kalesa?