Mahigit 80 pamilya ang nawalan ng tirahan sa Barangay Manoc-Manoc sa Boracay Island nitong Pasko.
Nananawagan naman ng tulong ang mga nasunugan mula sa pamahalaan.
Karamihan sa mga nabiktima ng sunog ay mga negosyante at pansamantalang nag-evacuate ngayon sa isang mosque sa lugar.
Samantala, sa Tondo, Maynila, 15 tahanan naman ang natupok ng apoy.
Bagama’t walang nasaktan ay karamihan sa mga nabiktima ay walang naisalbang mga gamit.
Dahil dito, idineklara na ang heightened alert sa hanay ng mga rescue units sa Maynila.
Tinupok naman ng apoy ang isang residential area sa Quezon City sa isang sunog na naganap sa mismong araw ng Pasko.
Sa imbestigasyon ng mga arson investigator, nagsimula umano ang sunog bandang alas-2:15 ng hapon sa bahay ng isang Raymundo Vega na matatagpuan sa Barangay Veterans Village, Roosevelt Avenue malapit sa EDSA sa naturang lungsod.
Ayon kay Quezon City Fire Marshall Col. Jesus Fernandez, umabot lamang sa ikalawang alarma ang nabanggit na sunog.
Bagama’t mabilis na nakaresponde ang mga bumbero, nadamay pa rin sa sunog ang katabi nitong bahay.
Sa kwarto umano sa ikalawang palapag ng bahay nagsimula ang apoy kung saan apat na pamilya ang naapektuhan.
Sinasabing ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy ay umabot sa P50,000.
Zamboanga fire
Samantala, 50 pamilya umano ang nawalan ng tahanan sa dalawang sunog na naganap sa magkahiwalay na barangay sa Zamboanga City nitong Pasko.
Sinabi ni City Fire Marshall Supt. Dominador Zabala Jr. na naganap ang unang insidente ng sunog sa barangay Cabatangan ala-1:00 ng madaling araw.
Ayon kay Zabala, sa naturang sunog ay isa ang nasugatan habang natupok naman ang dalawang bahay.
Naganap naman ang ikalawang insidente ng sunog sa isang residential area sa barangay Santa Catalina bandang alas-5:20 ng umaga na umabot sa ikatlong alarma.
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga arson investigator upang mabatid kung ano ang naging sanhi ng mga naturang sunog.
By Jelbert Perdez