Dismayado ang mga labor group dahil sa kabiguan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng Executive Order (EO) na tutuldok sa End of Contract o ‘endo’ sa mga empleyado.
Ito ay matapos na pakikipagpulong ng Pangulo sa mga labor leader kahapon, Pebrero 7.
Ayon kay Associated Labor Unions President Sonny Matula, humirit lamang ang Pangulo ng karagdagang panahon para pag-aralan ang isinumiteng draft ng kautusan mula sa ilang grupo.
Dahil dito, sinabi ni Matula na hindi mapapagod ang kanilang grupo na patuloy na magsagawa ng mga kilos protesta habang hindi pa nilalagdaan ng Pangulo ang Executive Order kontra ‘endo’.
Matatandaang lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang palakasin ang security of tenure ng mga empleyado sa pribadong sektor.
Ito ay para tapusin ang problema sa labor only contracting at end of contract o ‘endo’.
Layon ng House Bill 6903 na amyendahan ang Presidential Decree 442 o mas kilala bilang Labor Code of the Philippines.