Tatlong bata ang patay sa isinagawang drone strike ng US forces malapit sa Hamid Karzai International Airport sa Kabul, Afghanistan.
Inilunsad ng mga tropang amerikano ang pag-atake sa mga miyembro ng Islamic State Chapter na nagbabalak magsagawa ng panibagong suicide bombing.
Ayon sa US Central Command, natunton ng kanilang mga satellite ang isang sasakyang kargado ng mga pampasabog na patungo sa airport kaya’t agad silang nagpalipad ng armadong drone.
Target ng mga isis member ang mga patungong airport na nagsisilikas palabas ng Afghanistan isang araw bago ang deadline sa pagkumpleto ng evacuation ng lahat ng western forces sa bansa.
Bantay-sarado na ng grupong taliban ang paligid ng paliparan upang magbigay-daan sa nagpapatuloy na evacuation. —sa panulat ni Drew Nacino