Magbabarikada ngayong araw ang may walong libong (8,000) mahihirap na umokupa sa mga pabahay ng gobyerno sa lalawigan ng Bulacan.
Ito’y para harangin ang mga tauhan ng NHA o National Housing Authority na magsisilbi ng eviction notice sa kanila ngayong araw.
Ayon kay Gloria Arellano, Chairperson ng Grupong Kadamay o Kalipunan ng Damayang Mahihirap, hindi nila tatanggapin o kikilalanin ang nasabing abiso.
Giit ni Arellano, ilang taon nang nakatengga ang mga nasabing pabahay kaya’t panahon na upang pakinabangan ito ng mga mahihirap na Pilipino.
NHA
Nakatakdang palayasin ng NHA o National Housing Authority ngayong araw na ito ang mga miyembro ng Kadamay sa mga housing unit na inokupa ng mga ito sa Bulacan.
Ayon kay Housing and Urban Development Coordinating Council Chair Leoncio Evasco, susugod sa lugar ang maraming pulis upang pangunahan ang eviction sa mga Kadamay members.
Darating din sa lugar si National Anti-Poverty Commission Chair Liza Maza upang maging tagapamagitan sa mga nagkikilos-protesta.
Siniguro naman ni Evasco na ang naturang mga miyembro ng Kadamay ay susunod na sa mga nakalinyang mabibigyan ng pabahay ng pamahalaan.
By Jaymark Dagala | Rianne Briones