Hindi inaayos ang mga dokumento kundi pinapaalis pa.
Ito ayon kay Gloria Arellano, pangulo ng grupong Kadamay, ang pakiramdam nila sa ginagawa ng National Housing Authority o NHA na isang beses lamang nakipag-usap sa kanila kaugnay sa inukupahan nilang housing units, mag-iisang taon na ang nakakalipas.
Sinabi sa DWIZ ni Arellano na tila pinapaalis sila sa kanilang mga inukopahang bahay sa Villa Luis, Padre Pio, Villa Elise, Pandi 3, Atlantica, BFP at BJMP na pawang nasa Pandi, Bulacan.
Hindi natin alam kung ano ang ginagawa ng NHA na dati nga po nakapagtakda na nga sila ng pag-aayos doon pero isang beses lang pong bumaba, hindi na po sila bumaba sa anim na pabahay po dapat.
Kaya nga po pinagtataka namin dahil mahihirap din naman ang mga ito bakit hindi na lang po ayusin?
Parang sinasabi po kasi nila [NHA] may mga naka-ano na d’yan mga maralita din, tulad ninyo… bakit hindi pag-aayusin? Ang ginagawa nila parang pinag-aaway-away ang mga maralita.
Magugunitang pinag – aaralan na ng NHA kung ano ang isasampang kaso sa mga miyembro ng Kadamay na mapapatunayang nagpapa-renta ng inukupahan nilang housing unit sa Pandi, Bulacan.
Ipinabatid ito ni NHA Chief of Staff Christopher Mahamud dahil hindi naman aniya ‘isolated case’ ang naturang insidente.
Sinabi ni Mahamud na bina-validate pa nila ang mahigit anim na raang (600) housing units na pinarenta umano ng ilang miyembro ng Kadamay.