Posibleng mapasakamay na ng miyembro ng KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang mga pabahay na kanilang inokupa sa Bulacan.
Kasunod ito ng ikinasang diyalogo ng NHA o National Housing Authority at KADAMAY kahapon kung saan ay ipinagpaliban na ang forced eviction laban sa mga miyembro ng naturang grupo.
Ayon kay NHA Spokesperson Elsie Trinidad, magsasagawa sila ng imbentaryo sa mga housing unit at makikipag-ugnayan rin sa mga benepisaryong sundalo at pulis upang alamin kung interesado pa sila sa naturang pabahay.
Dadaan din sa screening ang mga KADAMAY members upang tukuyin kung kuwalipikado ang mga ito na mabigyan ng housing unit.
Winelcome naman ito ni KADAMAY National Chairperson Gloria Arellano.
Ngunit hirit ni Arellano, sana ay ibigay na lamang ito ng libre sa kanila.
“Birthday po ng Pangulo, eh di sana po ang kanyang maging pa-birthday ay tuluy-tuloy na lang pag-uusap sa usapin ng pabahay, hindi lang po dapat Kadamay ang makinabang dito, kundi pati ang lahat ng mga homeless.” Ani Arellano
Ayon din kay Arellano, habang umuusad ang diyalogo at validation, umaasa sila na paaalisin na ng NHA ang mga pulis at militar na nagbabantay sa lugar upang mapanatag ang kalooban ng mga nakatira sa pabahay.
“Ang panawagan namin ay libre talaga dahil ito’y serbisyong pabahay sa mga mahihirap, kailangan na rin itong harapin ng Pangulo na hindi na magkakagulo. Ito na po talaga na alam naming mga miyembro namin na mahihirap talaga ng husto, walang bahay, wala na talagang mauwian.” Pahayag ni Arellano
By Rianne Briones | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas (Interview)
Photo Credit: CNN PH