Bigong maagaw ng grupong Kadamay ang ilan sa mga housing units para sa mga pulis at sundalo sa Rodriguez, Rizal kahapon.
Ito’y makaraang paki-usapan ng isang opisyal ng National Housing Authority o NHA ang grupo na lisanin na ang La Solidaridad Village Phase 1 sa Barangay San Isidro dahil hindi sila mabibigyan ng bahay.
Paliwanag ng NHA, nakalaan o nai-award na ang may 700 kabahayan sa mga miyembro ng militar, pulisya at mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP.
Bagama’t payapa namang umalis ang grupo sa lugar, nagbanta naman si Simon Trinidad, tagapagsalita ng Kadamay-Rizal Chapter na babalik sila sa lugar para igiit ang kanilang karapatan bilang maralita ng bansa na mabigyan ng pabahay ng pamahalaan.
—-