Saya ang kadalasang nararamdaman ng estudyanteng nakapagtapos sa kanyang pag-aaral; ngunit para sa isang kadeteng ito, tila lungkot ang nangibabaw.
Ito ay dahil imbes na magdiwang kasama ang kanyang pamilya, mag-isa lamang na nakatayo sa kanyang closing ceremony ang kadeteng kinilalang si John Lord Ayo.
Nagtapos ng Criminology Intern Basic Training sa Ramon Magsaysay Memorial College sa General Santos City si John Lord.
Sa viral video, makikitang nagpipigil ng luha ang kadete habang napaliligiran ng masasaya at proud na pamilya.
Isang ina ng ibang kadete ang nakapansin kay John Lord at agad niya itong nilapitan upang damayan.
Tila naging domino effect ang kabutihang ipinakita ng ina dahil ilang saglit lang, lumapit din sa kanya ang mga kapwa-kadete, maging ang pamilya nila, upang batiin at pagaanin ang loob ng binata.
Sa kabutihang-palad, dumating naman sa seremonya ang pamilya ni John Lord na na-late lamang.
Patunay ang pangyayaring ito na malaki ang nagiging epekto ng munting kabutihang ipinakikita natin sa ating kapwa. Nakatutulong na tayo sa nangangailangan, nagiging inspirasyon pa tayo sa iba na gumawa rin ng mabuti.
Sa ganitong simpleng paraan, makapagdudulot tayo ng positibong pagbabago sa mundo.