Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kahapon na muling bubuhayin ang Kadiwa Centers na magbebenta ng mas mababang presyo ng mga produktong pagkain.
Naniniwala ang pangulo na isa itong epektibong paraan upang matugunan ang epekto ng nararanasang krisis bunsod ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Mababatid na sapamamagitan ng Kadiwa Centers ay mararamdaman ng publiko ang bahagyang pagbaba ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura.
Aniya, bagama’t hindi agad-agad na maitatayo ang mga Kadiwa Centers ay sisimulan na ito upang hindi na humaba pa ang penitensiya ng publiko sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Matatandaang ang Kadiwa Centers ay itinayo noong panahon ng administrasyon ng ama ni Pangulong Marcos Jr. para sa mas murang mga bilihin, hindi lamang mga produktong agrikultura kundi pati na rin dry-goods at iba pang mga produkto.