Humihiling ang mga magsasakang nagbebenta ng kanilang produkto na palawigin pa ang Kadiwa ng Pasko ng Department of Agriculture (DA) sa Disyembre 31.
Nababahala ang fish vendor na si Lina Calicdan kung sakaling hindi ma-extend ang programa ay maaari silang mawalan ng kabuhayan. Ayon pa sa kanya, sa tulong ng kadiwa ay tinutustusan aniya ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Ayon naman sa magsasakang si Ursula Dennis, mas naging mabenta ang kanilang ani dahil sa nasabing programa.
Sinabi naman ng mamimiling si Maggie Rey na mas gusto niyang bumili ng mga produkto sa mga tindahan ng kadiwa dahil sa mas mababang presyo ng mga ito kumpara sa mga ibinebenta sa mga pamilihan.
Matatandaang, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang programang Kadiwa ng Pasko kahit na matapos ang Pasko at nangako rin ang Pangulo na bubuhayin niya ang Kadiwa program ng kanyang ama para palakasin ang sektor ng agrikultura sa bansa. —mula sa panulat ni Maize Aliño-Dayundayon