Tiwala si Senadora Imee Marcos na malaki ang maitutulong ng muling pagbuhay sa mga Kadiwa stores para maipamahagi sa publiko ang NFA rice.
Ito’y bilang tugon na rin sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Agriculture (DA) na pabahain ng NFA rice ang lahat ng pamilihan upang mapababa ang presyo nito kumpara sa mga commercial rice.
Sa ganoong paraan aniya, matutulungan na ng pamahalaan ang mga magsasaka gayundin ay tiyak na makikinabang na rin ang publiko dahil sa mayroon na silang aasahang mura pero dekalidad na mga bigas.
Gayunman, kailangan pa rin aniyang gawin ng DA ay bilhin sa mataas na presyo ang palay direkta sa mga magsasaka upang maipaikot ang suplay nito at hindi magkulang sa sandaling magkaroon ng sakuna.
Kailangan umiikot, dapat umiikot yun, habang bumibili ang NFA dapat binibenta’t binibenta din para may pambili na ulit dahil eto nga kahit bilhin yung standing crop nung summer, ang problema itong linggo na papasok talaga namang dadating yung panibagong ani, ito yung main crop kung tutuusin; September, October. ‘Pag pumasok yan at puno pa din yung bodega papaano yun? Kailangan ibenta ng ibenta kaya nga nagkaka-Kadiwa kami sa probinsya, ang benta naming ng bigas dun 27 pesos sana magawa ko din sa Metro Manila, mag-cooperate lang ng kaunti an gating klima talagang ita-track ko,” ani Marcos.
Ngayong araw, inilunsad ang pagbubukas ng Kadiwa store sa Brgy. 28 sa Dagat-Dagatan, Caloocan City habang bukas, araw ng Lunes bubuksan ang Kadiwa store sa Brgy. 128 Zone 10, Smokey Mountain sa lungsod ng Maynila.
Magugunitang kahapon, inilunsad ng Senadora ang pagbabalik ng Kadiwa stores sa Batasan Hill sa Quezon City kung saan, nakabili ang maraming residente roon ng bagsak presyong mga bilihin.
For now ang target naming tatlo lang muna this month tapos tignan natin baka ayusin pa naming yung sistema di pa ako sure at talagang pilit kong ibabagsak ang mga local products, gusto ko talaga magdala ng mga bigas at iba pang bilihin,” ani Marcos.