Nanganganib na matagalan pa ang kaguluhan sa komunidad ng Lumads sa Surigao del Sur.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman, napag-alaman niyang patuloy pa rin ang military operations sa kabundukan upang tugisin ang mga suspects sa pagpatay sa 2 lider ng Lumads at Direktor ng isang paaralan doon.
Dahil dito, sinabi ni Soliman na naghahanda na sila para sa mas matagal na pangangalaga sa mga residente na napilitang magsilikas upang hindi madamay sa kaguluhan.
Sa mga susunod na araw aniya ay sisimulan na nila ang cash for work para sa mga evacuees at naghahanap na rin sila ng mga lugar kung saan puwedeng maglagay ng temporary shelters.
“Magsimula na din tayo ng cash for work para ayusin at mag-mantine ng kalinisan ng gym at magkaroon sila ng hanap-buhay kahit pansumandali dahil wala talaga silang pinagkukuhanan ng hanap-buhay.” Ani Soliman.
Sa kasalukuyan, nasa 555 pamilya ang kasalukuyang tumutuloy sa isang gym sa Tandag Surigao del Sur.
Tiniyak ni Soliman na naipagkakaloob naman ang kailangang tulong ng mga evacuees sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan doon.
“Ang lokal na pamahalaan po ay nagbigay ng P30,000 na financial assistance sa mga pamilya ng biktima, ang ating tanggapan naman maliban po sa food packs na naipamigay na naka 2 rounds na po kami, namigay din po tayo ng blankets, mosquito nets, slippers at hygiene packs.” Dagdag ni Soliman.
By Len Aguirre | Ratsada Balita