Magkakagulo sa buong Southeast Asia kung hindi mapagpapasyahan ng International Tribunal ang isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito, ayon kay Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, ay dahil kailangang depensahan ng bawat bansa sa rehiyon ang kanya-kanyang maritime zone.
Dahil dito, mapipilitan, aniya, ang gobyerno ng Pilipinas na bumili ng mga kagamitan upang palakasin ang pwersa ng militar sa halip na pag-ibayuhin na lamang ang edukasyon, social services, at imprastraktura.
Sinabi ni Carpio na, samakatuwid, talo pa rin ang mga mamamayan kapag ganon nga ang nanagyari.
Matatandaang nagsampa ng kaso ang Pilipinas sa The Hague upang ipawalang bisa sa korte ang habol ng China sa West Philippine Sea.
Worst scenario
Maituturing na worst case scenario kapag hindi nagpasya ang International Tribunal kaugnay sa paghahabol ng China sa West Philippine Sea.
Sa kanyang talumpati sa ikalawang serye ng Heneral Antonio Luna Colloquium na inorganisa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Defense College of the Philippines, at Foreign Service Institute, ipinaliwanag ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang mga posibleng mangyari.
Aniya, posibleng ipatupad ng China ang nine-dash line na magsisilbing hangganan nito.
Kaya maaaring harangin at gipitin ng China ang mga re-supply mission ng Pilipinas at iba.
Pang bansa na tutungo sa mga islang inookupa nito sa Spratlys.
Dagdag pa ni Carpio, kapag nangyari ang pinangangambahang worst case scenario, maaaring mawala na rin ang United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Air defense zone
Sinupalpal ng Chinese Defense Ministry ang ispekulasyon na magdedeklara ito ng air defense zone sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Ito’y makaraang magpahayag ng pangamba ang Amerika na maaaring magresulta sa pagdedeklara ng air defense identification zone o ADIZ ang China lalo’t inaasahang ilalabas na ng UN Arbitral Tribunal sa mga susunod na linggo ang desisyon nito hinggil sa inihaing kaso ng Pilipinas laban sa Tsina.
Inihayag ni Defense Ministry Spokesman Yang Yujun na may karapatan ang bawat malayang bansa na maglagay ng defense zone sa kanilang teritoryo.
Naka-depende anya sa antas ng aerial threat kung magdedeklara sila ng ADIZ o hindi sa mga pinag-aagawang teritoryo.
By Avee Devierte | Drew Nacino