Posibleng maging sanhi ng kagutuman at kawalan ng trabaho ng mga Pilipino kung isasailalim sa dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ ang bansa.
Ito ang inihayag ni National Economic and Development Authority o NEDA at Acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua kasunod ng pagpapatupad ng mahigpit na quarantine restriction sa National Capital Region (NCR) at sa “NCR plus bubble”.
Ayon kay Chua, kung isasailalim sa MECQ ang bansa, madadagdagan ng halos 50K ang kasalukuyang 3.2 milyon na Pilipinong nagugutom habang tataas naman sa 100K ang mga mawawalan ng trabaho.
Dagdag pa ni Chua, malaki rin ang magiging epekto nito sa ekonomiya kung ipapatupad ang MECQ sa bansa.
Lumabas din aniya sa ilang pag-aaral na kung isasailalim sa MECQ ang bansa, maaaring mas tumaas ang bilang ng kaso ng namamatay sa COVID-19 kumpara sa mapipigilan ng bagong kaso ng virus.— sa panulat ni Rashid Locsin