Kinilala ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang kahalagahan ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, nangako ang Pangulo na sisikapin nitong maibsan o gawing simple ang mga proseso at mapadali ang paglawak at pag-unlad ng mga negosyo.
Ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag matapos pangunahan ang ribbon-cutting ceremony sa SME hub ng Savya Financial Center sa lungsod ng Taguig.
Ayon sa Pangulo, mahalagang maipagpatuloy ang mga makabuluhang programa upang mabigyan ng espasyo at mapagkukunan ang ating mga kababayan sa pagpapatakbo, pagsisimula, at kahit sa pakikipagsapalaran muli sa nasabing larangan.
Hinimok din ni PBBM ang MSMEs na mag-avail ng financial assistance at facilities na iniaalok ng gobyerno, katuwang ang ilang institusyon, upang higit pang mapalago ang kanilang negosyo.
Kasabay nito, pinayuhan ni Pangulong Marcos ang mga maliliit na negosyo na yakapin ang Information and Communications Technology (ICT) dahil ang digital transformation aniya ang muling bubuhay at magbibigay ng maraming oportunidad sa gitna ng pandemya at tutugon sa tumataas na demand ng mga negosyo at consumers. —mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)