Welcome sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang panibagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas itong muli na magkaroon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.
Ayon kay NDF Legal Counsel Atty. Edre Olalia, magandang balita ang pagbabago ng isip na ito ng Pangulo.
“Palagi namang sinasabi natin na basta sa kabutihan ng mamamayan kahit magbago ang isip ay okay naman ‘yan, tinatanggap ‘yan ng ating mga kliyente.” Ani Olalia
Gayunman, iginiit ni Olalia na mainam kung unahin muna ang pag-uusap bago maglatag ng anumang kondisyon ang pamahalaan.
Ayon kay Olalia, maraming isyu ang mareresolba kung uupuan at pag-uusapan ang hinaing ng partido ng pamahalaan at ng rebeldeng komunista.
Una nang sinabi ng Pangulo na handa siyang buksan muli ang peace talks sa kondisyong dapat magkaroon muna ng tigil-putukan.
“Imbes na ‘yung agad agad ay sasabihing gawin mo ito, gawin mo ‘yan bago tayo mag-usap, hindi nga, kailangan mag-usap tayo ‘yun ang ibig sabihin ni Joma Sison at kahit si Fidel Agcaoili na pinuno ng kanilang negotiating panel.” Pahayag ni Olalia
(Ratsada Balita interview)