Nagpahiwatig na ng kahandaang tumakbo sa mas mataas na posisyon si Interior Secretary Mar Roxas sa 2016 Presidential election.
Aminado si Roxas natutuwa siya sa mga interesado sa kanyang ikikilos na “maaaring nangangahalugan na siya ang pinakamatibay na kandidato ng Liberal Party.”
Bagaman hindi pa tahasang inihahayag ng kalihim ang kanyang intensyon sa nasabing halalan, sinabi ng dating senador na patuloy ang pag-uusap nila ni Pangulong Noynoy Aquino subalit kaugnay naman ito sa good governance sa oras na matapos ang termino ng Pangulo.
Iginiit ni Roxas na ang tunay na issue sa halalan ay paano maipagpapatuloy ang tuwid na daang sinimulan ng administrasyong Aquino.
Samantala, asahan pa ang mga pulong sa pagitan nina Pangulong Noynoy Aquino, Interior Secretary Mar Roxas at Senador Grace Poe kaugnay sa susunod na hakbang ng administrasyon sa 2016 elections.
Ito ang inamin ni Roxas nang humarap siya sa media sa turnover ceremony ng mga patrol vehicle sa Central Luzon Regional Police Office sa Camp oliVas, San Fernando, Pampanga.
Ayon sa kalihim, kabilang sa tinatalakay at tatalakayin nila ng Pangulo ay ang mga paraan upang ipagpatuloy ang tuwid na daang nasimulan ng administrasyon.
Gayunman, hindi nag-komento si Roxas sa posibilidad na maka-tandem niya si Poe sa nasabing halalan.
By Drew Nacino