Pinaboran ng Korte Suprema ang kahilingan ng mga kaanak ng mga napatay sa Barangay B area, Payatas, Quezon City matapos magsagawa ng Oplan Tokhang ang PNP.
Inatasan ng Korte Suprema ang Court of Appeals na magsagawa ng pagdinig at tumanggap ng mga ebidensya kaugnay ng naturang kaso at agad magpalabas ng desisyon sa loob ng 10 araw sa oras na ideklarang submitted for decision na ang nasabing kaso.
Partikular na inaksyunan ng Supreme Court ang petisyon ng pamilya ng mga suspek na sina Marcelo Daa Jr, Raffy Gabo, Anthony Comendo, at Jessie Cule na napatay ng mga pulis matapos umano silang manlaban noong August 21.
Bukod sa Writ of Amparo pabor sa mga naulila ng mga nasabing drug suspect, inisyu rin ng Supreme Court ang Temporary Protection Order kung saan pinagbawalan ang mga pulis isang kilometro mula sa bahay at pinagtatrabahuhan ng mga petitioner.
Kaugnay nito, inatasan din ng Korte Suprema ang mga respondent sa kaso na si PNP Chief Director General Ronald Rosa, QCPD Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, QCPD Superintendent Lito Patay, Station 6 Commander Police Senior Inspector Emil Garcia, at iba pang myembro ng QCPD na sina PO1 James Aggarao, PO1 Melchor Navisaga, at mga ahente ng PNP na magsagawa ng Verified Return of the Writ sa Court of Appeals sa loob ng 5 araw sa oras na matanggap na nila ang kautusan ng kataas taasang hukuman.
By: Avee Devierte / Bert Mozo