Iginiit ni Senador Dick Gordon na hindi dahilan ang kahirapan para iligal na iokupa ang bahay ng iba.
Kasabay ito ng pagtutol ni Gordon sa pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa grupong Kadamay na manatili sa mga pabahay sa Pandi, Bulacan na iligal nilang inokupa.
Maaari, aniyang, maging daan ito sa kaguluhan.
Ipinaalala ni Gordon na walang sinuman ang mas higit sa batas.
Inamin ni Gordon na nagulat siya nang sinabi ng Pangulo na manlalaban pa ang grupong Kadamay kapag pinaalis kaya ibinigay na lamang sa kanila ang mga naturang housing unit na nakalaan na sa mga pulis at sundalo.
Dapat aniyang pumila ang mga miyembro ng Kadamay para sa pabahay.
Iligal na pag-okupa ng Kadamay sa mga pabahay posibleng humantong sa anarkiya
Posibleng mahikayat ang publiko na huwag nang isaalang-alang ang batas makaraang pahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang grupong Kadamay na manatili sa iligal nilang inokupang pabahay sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, gulo o anarkiya ang posibleng kahinatnan nito.
Mas malaking problema kapag gagawin din sa ibang panig ng bansa ang ginawang illegal occupation ng Kadamay at hindi na makokontrol ng gobyerno.
By Avee Devierte |With Report from Cely Bueno