Ipagpapatuloy ng Senado ang imbestigasyon sa ban ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa iligal na pagbebenta ng ilang imported na isda, tulad ng pampano at pink salmon sa mga palengke.
Ito’y kahit ipinatigil na ng BFAR ang pagpapatupad ng nasabing ban noong Biyernes.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, hindi lamang ang mahigit dalawang dekada ng Fisheries Administrative Order (FAO) 195 ang tututukan ng Senate Committee on Agriculture kundi maging ang iba pang kinakaharap na issue ng BFAR.
Nakagugulat anya ang biglaang pagpapatupad ng FAO 195 ngayong holiday season maging ang pagiging limitado nito sa canning at processing.
Binigyang-diin ni Tolentino na karapatan ng bawat isa na kumain ng pampano at salmon, kaya’t maituturing na diskriminasyon ang nasabing kautusan.
Samantala, naniniwala naman ang Senador na kahit nag-issue ng moratorium laban sa implementasyon ng FAO 195, panahon na upang baguhin o rebisahin ito ng BFAR.