Bagama’t nag-expire na kahapon ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 mananatili pa ring epektibo ang maraming probisyon na nakapaloob dito.
Ito’y ayon kay Sen. Sonny Angara, kung saan kabilang dito ang probisyon ukolo sa benepisyo ng health workers.
Ayon kay Angara, chairman ng senate committee on finance at sponsor ng Bayanihan 2, iiral pa rin ang utos ng batas na bigyan ang health workers ng pribado at pampublikong ospital ng special risk allowance, hazard pay para sa medical frontliners.
Gayundin aniya ang pagbibigay sa kanila ng life insurance, libreng accomodation, transportasyon at pagkain.
Patuloy din umanong iwi-waive ang lahat ng permit, lisensya, clearance, at registration requirements para sa flagship infrastructure projects ng gobyerno tatagal ito hanggang september 2021.
Sinabi rin ni Angara na pagdating naman sa mga private project na mahalaga at magbibigay ng trabaho, ,mananatili ang waiver hanggang Hunyo 22 sa pagkuha ng permit at lisensya maliban sa may kaugnayan sa buwis, border control at batas pangkalikasan.
Epektibo pa rin aniya ang utos ng Bayanihan 2 na walang phase out ng jeepney o anumang public utility vehicle hanggang nasa transition ang bansa patungo sa new normal.
Pati na rin umano ang pagbabawal sa mga pribadong paaralan, kolehiyo at unibersidad na magtanggal ng mga manggagawa sa loob ng siyam na buwan kapag tumanggap ng grant o tulong pinansyal ng gobyerno para sa kanilang mga estudyante.
Bukod dito, sinabi ni Angara, iiral pa din ang COVID-19 national referral system ng Department of Health at Philippine Red Cross para mabilis ang pagtulong sa COVID-19 patients na maghanap ng ospital, klinika, isolation facilities, blood banks at ambulansya. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)