Ibinabala ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang kakapusan ng isda sa bansa na posibleng maranasan kapag nagpatuloy pa rin ang pananatili ng Chinese vessels sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Pangilinan, sa kasalukuyan ay nahaharap ang bansa sa kakapusan ng karneng baboy ngunit posibleng hindi rin magtagal ay magkaroon na rin ng krisis sa isda dahil sa presensya ng China sa WPS na tradisyunal na pangisdaan ng mga Pilipinong mangingisda.
Dahil dito, nanawagan si Pangilinan sa gobyerno na aksyunan agad ang banta sa panghihimasok sa teritoryo ng bansa at posibleng kakapusan ng isda.
Una rito, nagreklamo ang mga mangingisda ng Zambales na kumakaunti umano ang kanilang huling isda dahil sa 20 Chinese vessels na naka-angkla sa mahigit 11 kilometrong layo mula sa San Antonio, Zambales.