Inaasahang magkakaranas ng kakapusan ng suplay ng NFA rice sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa National Food Authority o NFA apektado dito ang ilang lugar sa Central Luzon, Western Mindanao at Western Visayas.
Paliwanag ni NFA Spokesperson Rebecca Olarte prayoridad ngayon ng ahensya na tugunan ang pangangailangan ng mga lugar na madalas makaranas ng kalamidad.
Dagdag pa ni Olarte ang shortage na mararanasan sa suplay ng NFA rice ay dahil sa halos sunod-sunod na kalamidad sa bansa noong nakaraang taon tulad ng limang buwang bakbakan sa Marawi, bagyo at ngayon ay ang pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Apektado rin umano ang suplay ng bigas makaraang mapagpasiyahang itigil ang pag-import ng bigas simula noong Setyembre ng nakaraang taon.
Gayunman tiniyak ni Olarte na nakipag-usap na sila kaugnay sa pag-iimport ng bigas upang hindi gaanong maramdaman ang kakapusan sa suplay.
—-