Nanganganib maulit ang kakapusan ng reserbang kuryente sa Luzon grid na maaaring mauwi sa malawakang brownout.
Babala ito ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos isailalim sa yellow at red alert ang Luzon grid noong Lunes dahil sa kakulangan ng power reserve sa gitna ng lumalaking demand.
Ayon kay NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, sintomas ng mas malaking problema ang nangyari noong Lunes.
Hindi naman anya kalakihan ang pa-sobrang supply ng kuryente na kapag may pumalyang malaking planta ay yellow o red alert na agad ang resulta.
Simula 2017 ay wala pang 1,000 megawatts ang nadagdag sa reserba kada taon sa ilalim ng Duterte Administration na maliit kumpara sa lumalaking demand dahil sa paglago ng ekonomiya.
Binigyang-diin ni Alabanza na batay sa mga pag-aaral ay dapat 1,800 megawatts ang power reserves na idaragdag sa grid kada taon upang sumabay sa lumalaking demand subalit hindi naman umaabot ng 1,000 megawatts kada taon.
Sang-ayon naman ang Department of Energy kaya’t dapat na umanong mangontrata ang mga distribution utilities, kooperatiba at NGCP upang may mga magtayo ng mga planta.
Pero para sa NGCP na hindi naman ganoon kadali ang pagtatayo ng mga planta dahil aabutin ng hanggang limang taon bago maging operational o itayo ang mga ito.