Pinabulaanan ni Agriculture Secretary Manny Piñol na mayroong rice shortage sa Pilipinas.
Ito ang nilinaw ni Piñol sa kabila ng ulat ng National Food Authority o NFA na sasapat na lamang para sa dalawang araw ang kanilang imbak na bigas.
Sa katunayan, sinabi ng kalihim na inaasahan nilang tataas ng tatlong (3) milyong metriko tonelada ang buffer stock na bigas sa pagtatapos ng buwan ng Marso.
Ito aniya ay sasapat para sa siyamnapu’t anim (96) na araw.
Naniniwala si Piñol pinalalabas lamang ng mga rice traders na may kakapusan sa suplay ng bigas upang mapilitan ang pamahalaan na mag-import ng bigas kung saan sila ang pangunahing kikita.
NFA
Tanging ang supply lamang ng NFA rice at hindi commercial rice ang kinakapos.
Nilinaw ito ni National Food Authority o NFA Spokesperson Rebecca Olarte kaya’t walang dahilan para tumaas ang presyo ng mga commercial rice.
Wala aniyang epekto sa supply at bentahan ng bigas sa merkado ang kapos na supply ng NFA rice.
‘Lumilipat na sa commercial rice’
Samantala, sampung (10) milyong mga Pilipino ang umaasa sa NFA rice dahil sa murang halaga nito.
Gayunpaman, sinabi ni Grain Retailers Confederation of the Philippines Incorporated o GRECON National President James Magbanua na lumipat na ang milyon-milyong konsyumer na ito sa commercial rice dahil sa wala nang mabilhan pa ng NFA rice sa mga pamilihan.
Sinabi ni Magbanua na wala nang maibigay na suplay na bigas ang NFA dahil sa inuuna ng ahensya ang mga biktima ng kalamidad at iba pang programa ng gobyerno.
Binigyang diin ni Magbanua na tila wala sa prayoridad ng NFA ang publikong wala nang mabiling bigas ng NFA sa mga pamilihan.
–Judith Larino