Patuloy ang paghingi ng paumanhin ng mga water concessionaire sa Metro Manila sa gitna ng nararanasang mahina hanggang sa walang supply ng tubig.
Ito’y bunsod ng epekto ng mahinang El Niño phenomenon sa na nagdudulot ng mainit na panahon kaya’t unti-unting bumababa ang water level sa mga pangunahing dam.
Ayon kay Manila Water Spokesman Jeric Sevilla, bagaman umaasa silang maibabalik na nila sa normal ang supply sa kanilang customers, posibleng magtagal pa ang nararanasang mahina hanggang sa walang supply hanggang Mayo.
“Ang La Mesa dam po natin ay nasa critical level na po kaya ang supply natin ay kulang talaga at ‘yan po ang pilit nating pinagkakasya lang para kahit papano ay lahat ay magkaroon ng tubig, medyo mahaba-haba pa ang ating tatakbuhin dahil papasok pa lang ang summer at ang mga dam natin ay umaasa lang sa ulan kaya po anuman ang supply na meron tayo dito ay ‘yan ang pinipilit nating i-distribute sa mga customer natin.” Ani Sevilla
Gayunman, tiniyak ni Sevilla na nag-iikot ang kanilang mga water tanker lalo na sa mga barangay na wala talagang supply ng tubig.
“Sa ngayon meron tayong mga I hope na may nakarating na mga tanker sa inyo dahil mula noong Huwebes ay mayroon na tayong mga 27 tankers plus may karagdagan pa na nanggagaling sa local government para makatulong sa mga labis na naapektuhan ng walang tubig.” Pahayag ni Sevilla
Publiko pinayuhan sa tamang paggamit ng tubig ngayong tag-init
Hinimok ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang publiko na magtipid sa tubig at maging responsable sa paggamit nito sa gitna ng nagbabadyang tag-init dulot ng El Niño phenomenon.
Ayon kay MWSS Administrator Reynaldo Velasco, dapat gawin ng mga consumer sa Metro Manila at mga karatig lugar ang kanilang bahagi upang mapanatiling sapat ang supply.
Hindi aniya dapat mag-aksaya ng tubig lalo’t inaasahang magtatagal hanggang Mayo o Hunyo ang tag-init.
Pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila ang Angat at La Mesa dams maging ang Ipo dam.
Sa tatlong nabanggit na reservoir, ang La Mesa pa lamang sa Quezon City ang nasa critical level, simula kahapon.
(with interview from Balitang Todong Lakas)