Kinuwestiyon at nagkaroon ng agam-agam ang mga Senador sa kakayahan ni Health Secretary Francisco Duque III na mamuno sa gitna ng pandemiya.
Kasunod ito ng pahayag ni Duque na kasalakuyan nang nararanasan ng Pilipinas ang 2nd wave ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections na kanya ring binawi matapos kontrahin mismo ng Malakanyang.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, maituturing nang hindi kapani-paniwala at hindi maaasahan ang paiba-ibang pahayag ng kalihim na makukumpara sa pagpapalit ng panahon.
Dagdag ni Villanueva, nangangamba siya sa pagharap ng bansa sa pandemiya kung ang tao na inatasang pangunahan ito ay naguguluhan din tulad ng lahat.
Pinaalalahanan naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Duque na maging maingat sa mga ipinalalabas na pahayag at impormasyon dahil nagdudulot ito ng kalituhan sa publiko.
Iginiit naman ni Senador Panfilo Lacson na higit na naging malaking isyu ay hindi ang paiba-ibang pahayag ni Duque kundi ang mismong kakayahan at katapatan nito bilang kalihim.