Pinabubusisi sa Senado ang kakayanan ng Philippine Genome Center (PGC ) kung papaano mas mapapalakas at mapapabilis ang pagsuri nito sa COVID-19 samples.
Ito’y ayon kay Senador Sonny Angara kasunod ng inihaing resolusyon na layong imbestigahan ang kakayanan ng ahensya sa COVID-19 bio-surveillance at mismong sequencing.
Giit ni angara na mahalagang mabilis na matukoy ang mga COVID-19 samples dahil na rin sa pamamayagpag ng mas nakahahawang delta variant.
Sa ngayon, napakababa raw ng sequencing rate ng PGC na nasa 750 samples lang kada linggo o wala pang isang porsyento ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Ibig sabihin, mas mababa pa ang naturang bilang sa ideal rate na 5-percent ng mga kaso ng virus.
Kasunod nito, binigyang-diin ng Senador na ang naturang pagpapahusay sa kakayanan ng PGC ay hindi lamang para sa kasalukuyang pandemya kung hindi para na rin sa iba pang pandemya sa susunod na panahon.