Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroong shortage o kakulangan sa anti-rabies vaccine para sa tao sa buong mundo.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, bagama’t may supply ng anti-rabies vaccine ang bansa ay paubos na rin ito.
Kaugnay nito, nakikipagtulungan na ang DOH sa Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry para mas matutukan ang pagbabakuna sa mga hayop kontra rabies.
Sinabi ni Duque na sa ganitong paraan ay maari pa ring maiwasan ang posibilidad na paglaganap ng rabies.
Tiniyak naman ng Bureau of Animal Industry na patuloy ang kanilang pamamahagi ng bakuna sa regional offices na dinadalan naman sa mga local government unit.
Samantala, patay ang isa katao habang labing dalawang (12) iba pa ang inoobserbahan pa rin matapos na tamaan ng rabies sa Dumingag, Zamboanga del Sur.
Ayon sa ulat, kinatay ng isang lalaki ang kanyang alagang aso matapos siyang kagatin nito at ipinamigay naman ang nilutong karne ng aso sa kanyang mga kapitbahay.
Namatay na ang may-ari ng aso matapos lamang ang ilang araw habang masuwerteng nabigyan naman ng bakuna mga apektadong residente.
Sa ngayong ay inoobserbahan pa sa ospital ang mga magkakapitbahay.
—-