Kumilos na ang University of the Philippines (UP) Diliman para maresolba ang kakulangan ng dormitoryo.
Kasunod ito ng ginawang kilos protesta ng mga freshmen student kung saan natulog sila sa labas ng mga domitoryo matapos silang maubusan ng mga kuwarto.
Ayon kay Dr. Michael Tan, Chancellor ng UP-Diliman, talagang kulang ang 3,700 na mga dormitory para tugunan ang 25,000 mga enrolees ngayong taon.
Naitala din ang pagtaas sa mga freshmen enrolees mula sa dating 2,723 ay naitala ang 3,563 para sa taong ito.
Siniguro naman ni Tan na binigyang prayoridad ang mga mahihirap na estudyante mula sa probinsiya para mabigyan ng matutuluyang dormitoryo.
Panawagan ng mga estudyante
Nanawagan ang grupo ng mga estudyante na magkaroon ng standardized rate ang mga boarding house malapit sa University of the Philippines Diliman.
Kasunod ito ng isyung kulang ang slots sa mga dormitoryo na naging dahilan para matulog sa labas ang ilang mga estudyante.
Ayon kay Student Alliance for the Advancement for Democratic Rights Chairperson Mench Tilendo, kung hindi naman sapat ang dormitoryo sa loob ay dapat na maging standardized ang mga nasa paligid ng UP upang hindi naman mataga ang mga estudyante.
Dapat din aniyang bigyang prayoridad na mabigyan ng slot sa dormitory ang mga mahihirap na tiga-probinsya bago ang mayayamang estudyante.
By Rianne Briones