Pondo.
Ito ang nakikitang problema ng gobyerno kaya’t nagkaroon ng aberya sa renewal ng kontrata ng contact tracers sa bansa.
Ayon kay Contact Tracing Czar Baguio City Mayor Benjamin Magalong, napalawig pa nila hanggang Hulyo 30 ang sana’y hanggang Hunyo 30 na pagtatapos ng kontrata ng contact tracers.
Sa ngayon ay nasa 6,921 ang contact tracers na kinuha ng gobyerno at nasa 56,303 ang target maisailalim sa Contact Tracing Retraining Program.
Bukod sa funding issues, sinabi ni Magalong na naging problema rin nila ang masamang panahon, connectivity issues at imposition ng community quarantines.
Samantala, ipinabatid ni DILG Undersecretary Epimaco Densing, III na humihingi pa sila sa DBM ng P5-7B para sa extension ng kontrata ng contact tracers.