Iginiit ni Vice President at Education secretary Sara Duterte – Carpio na hindi dapat maging hadlang sa pagbalik ng mga estudyante sa In-person classes ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Ito’y sa kabila ng mga ulat mula sa ilang paaralan hinggil sa kakulangan sa mga classroom.
Sa kanyang talumpati sa National School Opening Day Program sa Dinalupihan Elementary School sa Bataan, inihayag ni VP Sara na ilang paaralan sa Visayas at Mindanao ang nangangailangan ng agad na rekonstruksyon dahil sa epekto ng Bagyong Odette.
Hindi anya rason ang kakulangan ng educational infrastructure, gaya ng classrooms sa ilang lalawigan upang pigilan ang mga batang magtungo sa mga paaralan.
Para tugunan ang classroom shortage, nagpatupad ng shifting schedules, isa sa umaga at isa sa hapon — upang pagkasyahin ang mga estudyante, habang pinananatili ang physical distancing.
Samantala, idinagdag ni Duterte na hindi na rin dapat maging dahilan ang COVID-19 pandemic upang hindi papasukin ang mga mag-aaral sa face-to-face classes.